Category Archives: buhay

Playground.

Standard

Ayaw na ayaw ni Nanay dumadaan sa iskinita na yun. Magulo daw. Maingay. Madaming bata. Parang hindi iskinita. Parang…

…playground.

Mapa-umaga, hapon, hanggang gabi, hindi nauubusan ng mga batang nagtatakbuhan at naglalaro sa lugar na iyon. Hindi naman kalakihan ang iskinita na yun. Kaya nga kapag pinagsabay-sabay sa pagkaka-iskedyul ang pagbi-bingo ng mga nanay, inuman ng mga tatay, basketbol ng mga tambay, videoke ng mga teenager at tumbang preso ng mga paslit, tiyak yun, kulang na lang lagyan ng karatula yung iskinita sa amin na,

“CLOSED UNTIL DECLARED OPEN FOR PUBLIC PASSAGE”

Hahahaha. Dae kong tawa dun ah!

Ganun. Ganun na kalala ang mga may-ari ng iskinitang yun (may-ari na talaga eh! Asan ang titulo???) tuwing linggo ay may disco pa yan sa gitna ng daan at utang na loob mo pa kapag binigyan ka ng ka-hiningang ‘space’ para maka-daan ka.

Utang na loob!

Matagal ko na ding pinag-iisipan na umalis sa lugar na iyon. Totoong magulo, delikado, at mga walang pakialam sa mundo ang mga kapitbahay.

Pero yun nga yung nagpapa-exciting ng buhay!

Gabi-gabing may nahoholdap. Di lang minsang may mga lasing na nagsaksakan at pinaglamayan. Meron na ding bangkay na natagpuang itinapon sa drainage.

So far wala pa namang fetus na napulot sa daan. At least diba?

Sabi ng iba, ‘hindi ka ba natatakot?’

“Wala na namang ligtas na lugar ngayon.” Mahinahon kong sagot.

Masaya pa rin namang nakakapaglaro ang mga bata sa iskinitang turned into an instant playground. Walang iniintindi. Hindi iniisip ang mga nakakabanggang dumadaan sa talaga namang daanan ng mga simpleng mamamayan.

Oo, dito ako lumaki. Pero hindi ko sinasabing dito na din ako mamamatay. Marami pa akong pupuntahang lugar. At hindi pa ako mamamatay. Matagal pa yun.

Minsan ko na ding ginawang playground ang kalsada. Marami na rin akong natamaan na nagdaraan ng tsinelas na ang totoong puntirya ay yung lata sa tumbang preso. Sinasalo kasi nung mga dumadaan. Kasalanan nila yun.

Maraming sipa, bola ng pingpong, at tsinelas din ang napunta sa bubong dahil sa mga paglalaro namin nuon.

Kaya naiintindihan ko ang mga batang iyon.

It’s time for their turn.

Na-miss ko tuloy bigla ang piko, siyato, patintero at tumbang preso.

=D

Intertropical Convergence Zone =D

Standard

Munti pa man akong bata. Hindi na ako naging masaya sa ulan.

Masaya akong nakikipaglaro noon sa aking mga kaibigan sa ilalim ng araw. Kumulimlim. Hindi namin iyon pinansin. Hanggang sa unti-unti nang pumatak ang ulan. Isa-isa na ring tinawag ang mga kalaro ko ng kanilang mga magulang.

At…

Malungkot na akong umuwi.

Sa loob ng bahay ako’y batong-bato. Tulog sila lolo’t lola, samantalang ako’y nakatanga sa bukas na pintuan, pinanonood ang mga batang nagtatampisaw sa ulan.

“Habulin mo ako!” Sigaw ni Angelo sa isa pa naming kalaro na si Apple. Tinutukso naming silang loveteam.

“Wag na wag kang lalabas. Wag kang maligo sa ulan. Magkakasakit ka lang.”
Iyan ang mahigpit na bilin ni lola. Pag sinuway ko, tiyak may malutong na palo. Kaya ayun. Nakukuntento na lang sa tilamsik ng ulan mula sa bukas na pintuan.

Palakas na ng palakas ang ulan. Unti-unti na ding bumabaha. Bahain pa naman ang lugar naming sa Kalookan. Yung malapit sa Malabon at Navotas. Ay grabe dun! Konting ulan lang, hanggang tuhod na ang baha!

Nawalan na ako ng pag-asa. Nagliliparan na ang mga bubong. Mukhang hanggang gabi na ito. Napurnada pa ang patintero namin.
At ang pinakamalala na mangyari sa mga ganitong pag-ulan? Yung tinatawag na, black out.

Malamok, madilim, malamig, at nakakatakot. Bilang bata, iyan ang naiisip ko tuwing umuulan at walang kuryente. Grabe. Ang hirap talaga pag ikaw lang ang bata sa bahay. Walang kapatid, walang kalaro, in short, nganga.

Bumalik ang mga ala-ala kong ito kanina lamang, nang inabutan kami ng ulan sa may St. Luke’s Hospital sa Quezon City kung saan ay dun kami nagtatanghalian sa di kalayuan. Mabuti na lang at nakabili na ako ng payong. Kahit papaano may panlaban ako sa kanya.

Malungkot kapag umuulan at mag-isa. Parang larawan ng isang trahedya na kailangang sagupain ng isang mandirigma. Di ka makakaiwas, di ka makakatakas. Bawat patak ng ulan ay siguradong tatamaan ka.

Maliit lang ang payong ko. Pang-single lang kumbaga. Pero tinitiyak ko sa iyo, kapag nakilala na kita, bibili ako ng payong, ung pangdalawa. =D

PARISUKAT

Standard

Hindi lahat ng mundo ay bilog.


Nakakaaliw parisukat kong mundo
Mga nakikita dito’y kung anu-ano
Tahana’y maliit ngunit sakop niya’y malaki
Tanawin mo at malalaman mong madali

Isang umagang kayganda
Magigising sa mga huni ng maya
Hayun, naghahabulan, larawa’y masaya
Lilipad, patalun-talon, kumakanta

At sa katanghaling tapat
Araw na matindi ang sikat
Init nito’y tumatagos sa aking silid
Liwanag abot hanggang sa gilid gilid

Kinahapuna’y meryenda na!
Si manong magtataho iyong makikita
Mga bata’y masaya ring naglalaro
Habang mga ina’y maingay na nagbi-bingo

Sa gabi’y mga liwanag sa bawat tahanan
Nakakaaliw kung sila’y pagmasdan!
Mga sasakyan na paroo’t parito
Mga busina’y nakakasakit sa ulo

Kaysarap tumambay dito sa pag-ulan
Mga tao’y hirap maghanap ng sasakyan
Hawak kong mainit na kape, amoy ay pumapailanlang
Habang pinanonood mga batang nagtatampisaw sa ulan

Masaya akong mag-isa sa aking mundo
Nakatanaw sa malaking bintana kong ito
Ngunit sa aking paglingon, ikaw sana’y makita ko
Sa aking tabi, makisali sa parisukat kong mundo

Tuloy po kayo sa makaysasayang lungsod ng ______________!

Standard

Naghahanap ka pa ba ng kakaibang lugar dito sa Pilipinas? Hayaan mong ipakilala ko sa ‘yo ang lugar na pinagmulan.

Paggising mo sa umaga, nagkalat na ang mga batang naglalaro ng tumbang preso sa kalsada. Walang pakialam matamaan ka man ng tsinelas na binabato nila (mukha ka sigurong ‘lata’). Sa kabilang banda, makikita mo ang mga nanay na walang keme na nakaupo sa kalsada habang minamarkahan ang mga numero na sasabihin ng kumara nila.

“Sa letrang ‘O’, pasko!!!”

Anu daw?

Itatanong mo sa akin kung nasaan ang mga tatay?

Dito ka naman talaga magtataka. Almusal na nila ang maglatag ng mesa sa kalsada. At ‘pag all set na, e ‘di tagay na! Dito mo maririnig ang mga kuwentuhang walang humpay, mga hindi magpapatalong karanasan ng mga magkumpare na tila kulang na lang ay isulat sa kasaysayan ng bansa.

Hindi na ako magtataka kung ganitong uri din ang magiging kinabukasan ng mga batang kasalukuyan ngayong naglalaro ng tumbang preso.

Sa gabi naman ay maalimpungatan ka ng ingay mula sa kapitbahay mong mag-asawa na nag-aaway. Habang ikaw ay dudungaw pa lang sa bintana upang tingnan kung ano ang nagaganap, makikita mo ang iba mo pang kapitbahay na nauna nang mag-tune in sa dramang nagaganap. Mag-ingat ka lang sa mga lumilipad na bagay.

Paglabas mo ng bahay upang pumasok sa opisina, bagong ligo, fresh na fresh at ang ganda pa ng get-up mo, ay humanda ka na lang na mabuhusan ng isang batyang tubig mula sa katatapos pa lang na magbanlaw mong kapitbahay. Magugulat ka siyempre, at magugulat din siya. Sa gulat niya, hindi man lang siya nakapag-sorry sa iyo. Galit nag alit kang bumalik sa bahay niyo upang magpalit ng nasayang mong get-up. At sa sandaling tumapat ka uli sa bahay ng kapitbahay mong iyon, sisigaw ka ng, “Oi, may dadaan ah!” At yun na ang gagawin mo sa araw-araw na pagdaan mo dun.

Pagsakay mo sa jeep, medyo masanay ka na lang kung bigla kang masasapak ng mabahong amoy ng katabi mo. Sinasabi ko sa ‘yo, natural yan. Kung magrereklamo ka, mag-taxi ka. Hahaha. Idagdag mo pa ang driver na naninigarilyo habang binabasa mo ang nakapaskil na sticker ng MMDA na “This is a smoke-free vehicle”. Mapapasabi ka na lang sa sarili mo ng “weh?”.

Sa gitna ng inyong paglalakbay, magugulantang ka na lang dahil biglang may sisigaw ng “holdap ‘to, walang aalis! Akina lahat ng cellphone!” Aba, at may pilian talaga dito? Cellphone lang ang gusto? Hindi pwedeng iba? Hahaha. Ang masaklap dun, ikaw na mas bata pa at maliit sa mamang yun ay nagpapakahirap magtrabaho samantalang siya ay anlaki-laki ng katawan ay nagnanakaw ng pinaghirapan ng iba.

Tuwing linggo ay magigising ka sa ingay ng mga kalalakihan na sumisigaw ng magkahalong “Pula, pula, pula!” o ‘Puti, puti, puti!” At mga bandang tanghali ay nagkalat na ang mga balahibo ng manok at may inuman na naman sa kapitbahay.

Sa labas din, madalas kang makakita ng mag-syotang naghahalikan. Para kang nanonood ng foreign movies na hayup kung magtukaan pero local lang ang mga characters. Kaya medyo may pandidiri kang mararamdaman. Hehe.

Ganito lang kapayak, kasaya, kagulo, kasakit ng ulo ang buhay sa aming lugar. Kapag nasanay ka na, ayos na. Kapag hindi, e di umalis ka. Ganun lang ang logic. Haha XD

Tuloy po kau sa makasaysayang lungsod ng Kalookan!

Bonggang 30th Anniversary!

Standard

Grabe.

Muntik na ako dun ah. Akala ko hindi na matutuloy.

Gara kasi ng Nuclear Power Plant Blast sa Japan.

Kakaloka.

Nakapag-rent na ako ng gown.

Buti na lang.

Kahit nasira ang sandals ko,

at nasira ang zipper ng gown ni jessa,

Langya talagang mga panira yan oh,

pag moment na namin dun pa masisira.

parang kahit kailan ayaw talaga kaming mag-shine.

Shining moment na nga eh…

Kontra bulate pa.

Ayun.

Atlis natuloy.

At naging masaya ang lahat.

Lalo na nung tumulay si Nanay sa alambre.

Akala ko talaga voice over lang siya.

May moment din pala ang lola!

Di papakabog!

Hahaha.

Ang lahat ay naging maayos naman.

kahit magulo.

Salamat “Turk”

at sa lahat ng tumulong at nagpakagutom.

Xenxa na, ala talaga tau budget eh.

Tiis-tiis muna.

Teka, soli ko na muna gown ko.

Baka may extra charge pa.

haha.

PANINIWALA KO PA RIN BA?

Standard

“Nagpapasalamat po kami dahil pinapasaya po nila kami kahit hindi na magtatagal ang buhay namin”.

Nakakapagod. Mga alas-siyete y medya ng gabi, matiyaga akong naghihintay ng matinong bus papuntang Letre at naghahandang makipagbalyahan sa iba pang mga sasakay upang magkapalad na makaupo…haha.

Ayos, Cher na naman!

Komportable akong sumakay sa bus na nabanggit. Bukod sa may kabaguhan ang kanilang bus, at malamig ang kanilang erkon, medyo edukado ang kanilang mga kundoktor. At hindi nila ako nabayaran para maisama sa artikulong ito :/

“Haaaay salamat! Nakaupo din!” Sabi ng kumag sa sarili niya. Sa totoo lang, madalas ko kausapin sarili ko. Mas masarap kasi kausap yung sarili mo, at least walang kokontra sayo, pwera na lang kung galit kayo (ng sarili mo). Haha.

Maganda ang puwesto ko. Nasisilip ko ang TV, at impeyrnes, hindi siya choppy. 24 Oras ng channel 7 ang palabas nun.

“Nagpapasalamat po kami dahil pinapasaya po nila kami kahit hindi na magtatagal ang buhay namin”.

Isang labingdalawang taong gulang na batang lalaki, may kanser sa buto ang nagsabi ng mga katagang ito. Binigyan kasi sila ng pagkakataon ng network na makasakay sa isang sasakyang panghimpapawid at makita ang paligid mula sa itaas. Magandang tanawin, malakas na hangin, at isang kakaibang experience para sa isang tao na may taning ang buhay.

“Nagpapasalamat po kami dahil pinapasaya po nila kami kahit hindi na magtatagal ang buhay namin”.

Paulit-ulit itong sumasagi sa isip ko. Habang nanonood ako ng TV, nakita ko naman na masaya ang bata sa kanyang experience nung araw na yun. Ngunit iyon pa rin ang kanyang nasabi.

May mga bagay na nagbibigay kasiyahan sa isang nilalang ngunit hindi naman ito ang tunay niyang kailangan. Mayron ding nagpapalimot sa isang katotohanan na wala nang pag-asa upang matakasan. Sa pagkakataong ito, napasaya nang ilang minuto (o kahit ng ilang oras) ang batang may kanser sa buto, ngunit hindi ito ang magpapalimot sa tao na hindi na siya magtatagal sa mundo.

Laging sinasabi ng kaibigan ko, “PANINIWALA MO LANG ‘YAN,”

Boss, may mga bagay na hindi kaya ng kapangyarihan ng mind over matter. Ito ang tinatawag na subject matter \m/

Sa ilalim ng Kamuning…

Standard

Masaya kaming nagkukuwentuhan noon ng isang kaibigan lulan ng isang taxi.

Pag U-turn namin saEton Centris, napadako ang aking paningin sa kaharap naming jeep.

Isang batang lalaki, marungis at walang pang-itaas ang nakaupo sa estribo ng jeep at tila hiyang na hiyang sa pagsinghot ng RUGBY…

“Hala ka!” Napabulalas ako. “Tingnan mo yung bata!”

Halos sigawan ko na yung kaibigan ko. “Lantaran ah,” Sabi niya.

Dedma at walang pakialam. Yan ang nakita kong damdamin sa mga mukha ng mga taong lulan ng nasabing jeep.

“Tamo sila oh! wala lang…!!!” Naiirita kong sabi.

Nakiusisa na rin si manong drayber. “Hindi talaga nila pakikialaman niyan. Takot sila, baka saktan sila niyan.”

“Ganun po ba? Wala po bang pulis?”

“Madalas nga sinasadya na niyang mga batang yan na magpakita at mahuli para dalhin na sila sa DSWD. Ikaw ba naman ang magpalabuy-laboy at walang makain e mas gugustuhin mo pang umalis.”

“TAMAAAAAAAH..!” Pabiro naming sabi ng kaibigan ko.

Sa loob ko, ay kalungkutan sa mga batang walang kasalanan, biktima ng kahirapan at kakulangan sa kaalaman. Ayokong laging ituro ang lahat sa pamahalaan, ikaw, ano ang ginagawa mo sa lipunan? Sa mga taong nakasakay sa jeep nung pagkakataong iyon, mayroon bang nagmalasakit? Wala, yun ang masakit.