Category Archives: hold-up!

Tuloy po kayo sa makaysasayang lungsod ng ______________!

Standard

Naghahanap ka pa ba ng kakaibang lugar dito sa Pilipinas? Hayaan mong ipakilala ko sa ‘yo ang lugar na pinagmulan.

Paggising mo sa umaga, nagkalat na ang mga batang naglalaro ng tumbang preso sa kalsada. Walang pakialam matamaan ka man ng tsinelas na binabato nila (mukha ka sigurong ‘lata’). Sa kabilang banda, makikita mo ang mga nanay na walang keme na nakaupo sa kalsada habang minamarkahan ang mga numero na sasabihin ng kumara nila.

“Sa letrang ‘O’, pasko!!!”

Anu daw?

Itatanong mo sa akin kung nasaan ang mga tatay?

Dito ka naman talaga magtataka. Almusal na nila ang maglatag ng mesa sa kalsada. At ‘pag all set na, e ‘di tagay na! Dito mo maririnig ang mga kuwentuhang walang humpay, mga hindi magpapatalong karanasan ng mga magkumpare na tila kulang na lang ay isulat sa kasaysayan ng bansa.

Hindi na ako magtataka kung ganitong uri din ang magiging kinabukasan ng mga batang kasalukuyan ngayong naglalaro ng tumbang preso.

Sa gabi naman ay maalimpungatan ka ng ingay mula sa kapitbahay mong mag-asawa na nag-aaway. Habang ikaw ay dudungaw pa lang sa bintana upang tingnan kung ano ang nagaganap, makikita mo ang iba mo pang kapitbahay na nauna nang mag-tune in sa dramang nagaganap. Mag-ingat ka lang sa mga lumilipad na bagay.

Paglabas mo ng bahay upang pumasok sa opisina, bagong ligo, fresh na fresh at ang ganda pa ng get-up mo, ay humanda ka na lang na mabuhusan ng isang batyang tubig mula sa katatapos pa lang na magbanlaw mong kapitbahay. Magugulat ka siyempre, at magugulat din siya. Sa gulat niya, hindi man lang siya nakapag-sorry sa iyo. Galit nag alit kang bumalik sa bahay niyo upang magpalit ng nasayang mong get-up. At sa sandaling tumapat ka uli sa bahay ng kapitbahay mong iyon, sisigaw ka ng, “Oi, may dadaan ah!” At yun na ang gagawin mo sa araw-araw na pagdaan mo dun.

Pagsakay mo sa jeep, medyo masanay ka na lang kung bigla kang masasapak ng mabahong amoy ng katabi mo. Sinasabi ko sa ‘yo, natural yan. Kung magrereklamo ka, mag-taxi ka. Hahaha. Idagdag mo pa ang driver na naninigarilyo habang binabasa mo ang nakapaskil na sticker ng MMDA na “This is a smoke-free vehicle”. Mapapasabi ka na lang sa sarili mo ng “weh?”.

Sa gitna ng inyong paglalakbay, magugulantang ka na lang dahil biglang may sisigaw ng “holdap ‘to, walang aalis! Akina lahat ng cellphone!” Aba, at may pilian talaga dito? Cellphone lang ang gusto? Hindi pwedeng iba? Hahaha. Ang masaklap dun, ikaw na mas bata pa at maliit sa mamang yun ay nagpapakahirap magtrabaho samantalang siya ay anlaki-laki ng katawan ay nagnanakaw ng pinaghirapan ng iba.

Tuwing linggo ay magigising ka sa ingay ng mga kalalakihan na sumisigaw ng magkahalong “Pula, pula, pula!” o ‘Puti, puti, puti!” At mga bandang tanghali ay nagkalat na ang mga balahibo ng manok at may inuman na naman sa kapitbahay.

Sa labas din, madalas kang makakita ng mag-syotang naghahalikan. Para kang nanonood ng foreign movies na hayup kung magtukaan pero local lang ang mga characters. Kaya medyo may pandidiri kang mararamdaman. Hehe.

Ganito lang kapayak, kasaya, kagulo, kasakit ng ulo ang buhay sa aming lugar. Kapag nasanay ka na, ayos na. Kapag hindi, e di umalis ka. Ganun lang ang logic. Haha XD

Tuloy po kau sa makasaysayang lungsod ng Kalookan!

Advertisements

Matira, Matibay!

Standard

Isa akong tagapagsulong ng karapatan ng kabataan. Karahasang pisikal, emosyonal, maging berbal ay ipinagbabawal. Sa loob n gaming tahanan ay pinananatilli ang kapayapaan at pagmamahalan. Ngunit sa aking paglabas ay ang hubad na katotohanan.

Lumabas ako isang umaga. Bagong ligo, mabango, masigasig at punong-puno ng pag-asa. Sa aking paglalakad, nadaanan ko ang isang batang pinaliliguan ng kanyang ina sa labas. Malakas ang hagulhol ng bata, malayo pa lang ay dinig ko na. Akala ko’y nilalamig siya. Sabay sigaw ng kanyang ina, “Ayan, sige, putang ina ka, ang kulet mo!” ngayon alam ko na kung bakit naiyak siya, kaya pala.

Napadaan ako sa basketball court sa may amin. Kung saan isang kumpol na magkukumare ang hindi mo maistorbo sa pakikinig at pagmamarka sa mga numerong nabanggit sa pagbi-bingo. May mga batang naglalaro sa paligid nila. Mga nakahubad, at may natuyong uhog sa pisngi. Palibhasa’y mga bata, hindi maiwasang magkasakitan at may mag-iyakan. Hagulhol na sa pag-iyak ang bata habang kinakalabit ang kanyang ina na lubhang abala at walang narinig. Kawawang bata. Ayun, napagod lang siya at nanahimik na.

Naglalaro pa rin sa aking isipan ang eksenang iyon ng may nakasalubong akong dalawang batang lalaki, na marahil ay parehong nasa limang taong gulang. May bitbit silang malit na palanggana, na may lamang mais na nilaga. Hindi ko na sila natanong kung magkano, sapagkat abala sila sa pagkukuwentuhan. Wala sa loob nila ang pagtitinda ng mais. Bata pa kasi. Dapat sana’y Masaya silang naglalaro at pumapasok sa paaralan.

Hindi kami mayaman, at hindi rin naman ganun kahirap. Sabi nga nila, “sakto lang”. Ngunit hindi ko naranasang magtinda ng kung anu-ano para mabuhay. Wala rin akong matandaan na naglaro ako ng walang damit, ayaw na ayaw ko pa nga nun na naka-paa kahit na naglalaro ng tumbang preso. Hindi rin nagbi-bingo ang mga magulang ko at wala silang bisyo. Lagi nga lang silang wala sa bahay para magtrabaho. Masuwerte pa rin ako.

Mas unang natututunan ng mga bata sa amin ang magmura, kesa mga salita ng pagmamahal o paggalang. Bihira na lang ang mga bata na alam ang ‘po’ at ‘opo’ at malas na lang kapag araw-araw silang naglalaro sa labas kasama ang mga batang palamura. Pagkalao’y makakalimutan na nila ang salita ng paggalang.

Pinangarap ko ring makaalis sa lugar namin. Pero dun na yata ako mamamatay. (Wag lang sana akong patayin ng mga holdaper dun, haha.) Sa lugar naming na walang paggalang sa mga kapitbahay. Pati pintuan ng kapitbahay ay gagawing palikuran kapag nag-inuman ang mga lasenggo sa daan. Aangkinin pa ang daan para maging session ng inuman. Kapag may party, haharangan din ang buong iskinita na akala mo ay narentahan.

Kawawa ka pag napagtripan. Marami na akong kilala na nasaksak dahil napagtripan at suwerteng nabuhay. At meron ding minalas at namatay. Tsk, tsk.
Takot ang mga pulis. Sala-salabat ang iskinitang pwedeng pagtaguan ng mga kriminal. Pag nasundan mo ang mga salarin at na-trap ka sa lugar nila, malas mo lang, patay ka.

Wala na silang takot. Totoong pasama na nang pasama ang mundong ito.

Epekto ng recession?

Standard

Ang mundo ay puno ng masama. Puspos ng kadiliman. Laganap ang katampalasanan. Ang tanging dahilan? Karukhaan.

Isa ako sa libu-libong tao na lumaki sa makikipot at magulong lugar ng Kalookan. Literally speaking, mahirap.

Nung mga bata pa kami, hindi namin alintana ang hirap. Mahirap na para sa amin ang maging balagong sa tumbang preso. Ang hindi makatira sa luksong baka, at habambuhay na maging taya sa langit lupa. Pero ngayon iba na.

Kanina lang, umuwing ngumangawa yung pinsan ko. Yung pinsan ko, yung pinsan ko na mas matanda pa sa akin, yung pinsan ko na walang malay, lagi na lang ang pinsan ko, ahehehe. Naholdap daw sila sa may highway. Nakasakay sila sa jeep, puro sila babae nun. Sumakay daw ang apat na lalaki sa may bandang Pagamutang Bayan ng Malabon. Nagdeclare ng hold-up sa may Lapu-Lapu Extension. Limas lahat ng gamit nila. Tinangka nilang lumaban, pero sino ba ang magmamatapang kung tutukan ka ng revolver? Hay, buhay.

Estudyante. Yan ang madalas biktimahin ng mga masasamang loob. Palibhasa’y alam na walang laban at siguradong may cell phone ang mga kawawang biktima na ito kaya paborito nilang lamangan. Naawa talaga ako sa pinsan ko. Graduating pa naman siya sa kursong Education. Tangay lahat, I.D., libro, lesson plan, USB, cell phone, mp4, transcript of records, pati susi ng bahay namin. Nun ko lang siya nakitang umiyak ng ganun. Parang batang inagawan ng lollipop.

Pagkatapos kong maligo, naabutan ko pa rin siyang nakatunganga. Kabibigay lang kasi ng tito niya yung cell phone na yun at mp4. Kung tutuusin, ngayon lang talaga siya nagkaroon ng ganong luho. Tsk, tsk. Nasa mga probinsya ang mga magulang niya at dinala lang siya samin ng tito niya para pag-aralin.

‘Kahit sana yung libro ko at lesson plan ibalik nila.’ Yun lang ang hinihingi niya. Hindi pa siya napagbigyan.

Apat na lalaki. Puro payat daw. Sa may Pagamutang Bayan. Taga Bungo daw yun. Hindi ko alam. Inaabangan na daw sila ng mga pulis sa amin.

Nakakalungkot. May mga taong nasisikmurang manlamang sa kapwa. Hindi dahilan ang kahirapan para gumawa ng masama. Hanga nga ako sa basurero sa amin eh, maganda pa ang cell phone sa akin. Sa simpleng paraan na pangungulekta ng basura, napupunan niya ang pangangailangan niya. Thumbs up ako sa iyo kuya!

Delikado na talaga. Wala nang lugar na masasabi nating ligtas.