Category Archives: Kwentong Lamay

Ano’ng Meron Ngayon?

Standard

Ngayon ay isang ordinaryong araw. Para sa isang empleyado, gobyerno man o pribado. Gigising pa rin ng maaga. Mag-aalmusal kung mayroon. Iinom na lang ng tubig kung wala. Saka magmamadaling maligo sa takot na ma-late sa trabaho.

Ngayon ay isang ordinaryong araw. Para sa isang estudyante na naghahanda upang pumasok sa paaralan. Mayroong sabik pumasok upang ipasa ang pinagpuyatang proyekto. At siyempre mayroon din naman na tila gustong magkasakit upang huwag lamang makapasok dahil sa nagpuyat kasama ang syota o nag crossfire/facebook buong magdamag.

Ngayon ay isang ordinaryong araw. Para sa mga walang trabaho, sa naghahanap ng trabaho, o sa natanggal sa trabaho.

Dumako naman tayo sa kakaibang araw.

Ngayon ay maaaring isang kakaibang araw. Para sa isang bagong ina, na nagsilang ng kanyang panganay. Sabik at labis na kaligayahan ang mararamdaman. Pagod at hapdi ng mga tahi ay biglang nakalimutan. Maging sa isang bagong ama, na masayang inehehele ang sanggol na kaytagal niyang hinintay. Sa wakas, pamilya na sila.

Ngayon ay isang natatanging araw. Para sa mga pamilya na biktima ng karahasan na ngayong araw ay nakamit na ang tinatawag na katarungan.

Ngayon ay maaaring isang natatanging araw. Para sa isang paslit na sumali sa paligsahan, nasungkit ang pinakamataas na karangalan at nasabitan ng medalya ng kanyang proud na magulang.

Ngayon ay maaaring isang espesyal na araw. Para sa isang binata na patuloy na nanliligaw at nagsusumikap na makamit ang matamis na oo ng dalagang pinapangarap. At ngayong araw ay kanya na nga itong natanggap.

Ngayon din ay pwedeng maging masakit na sandali. Sa mga taong naiwan ng taong pumanaw. Di malilimutang araw.

Agosto 12. Ano’ng espesyal sa iyong pagdating?

Sa akin? Dati ito’y isang araw na pinakahihintay. Isang araw na pinaghahandaan ng buong pamilya. Isang araw kung saan ramdam ang ligaya. Isang araw, kung saan, ako’y tatanda na naman.

Ngayon, hindi ko mawari aking nararamdaman. Mamaya, pag natapos ang buong araw, ika’y aking babalitaan.

Advertisements

Pampabuhay ng patay…

Standard

Alas dose na ng gabi. Naglamay kami sa bahay ng kaibigan ko. Namatay kasi yung lola niya. Alam niyo naman ang nangyayari sa lamay pag marami kayong magkakaibigan. Nagiging parang reunion.

Popular na laro. Killer-killer. Inumpisahan namin ang ‘lamay’ sa paglalaro ng killer-killer. Pangit pala yon pag sobrang dami niyo. Nakakatamad. Change of heart. 1-2-3 pass naman. Dun na kami nabuhayan ng loob.

Malulupit ang mga parusa kapag nahuli kang ipatong ang kamay mo sa kung sino man ang naka-kuwadro. Itataya mo ang pagkatao at dignidad mo sa mga utos na gawa-gawa ko lang naman. Oo. Ako ang promotor ng lahat. (Mabuti na lang at sa buong panahon ng laro eh laging nauuna yung kamay ko, aba! Praktisado ata to!)

Laro: 1-2-3 Pass

Mga Parusa:

* Ialok ang pagkaen sa lamay sa mga nagdadaang tao at sabihing “free taste”.

* Kumatok sa kabilang bahay at magtanong kung may tinda silang yelo.

* Magtanong sa katabing burger stand kung magkano ang tinda nilang burger tapos ay magpasalamat sa kanilang pagsagot.

* Sabihin sa mga nagdadaan na ikaw ang magliligtas sa mundo. Kailangan maniwala sila.

* Pumwesto sa kalsada at manghingi ng limos.

* Mag-abang ng dadaang tricycle o sidecar at tanungin ang drayber kung saan ang papuntang Bulacan kasi naliligaw ka. Manghingi din ng pamasahe.

* Pumwesto sa gitna ng kalsada at kumanta ng ‘Tuwing Umuulan at Kapiling Ka’ ni Regine Velasquez. Mala-MTV.

* Kagatan ang biskuwit at ipamigay sa mga nagdadaan. Sabihing “Sa yo na lang, ayoko na eh”.

” Condolence pare”. Ewan ko lang kung maniwala yung kaibigan ko sa sinabi namen.