Category Archives: opinyon

PARISUKAT

Standard

Hindi lahat ng mundo ay bilog.


Nakakaaliw parisukat kong mundo
Mga nakikita dito’y kung anu-ano
Tahana’y maliit ngunit sakop niya’y malaki
Tanawin mo at malalaman mong madali

Isang umagang kayganda
Magigising sa mga huni ng maya
Hayun, naghahabulan, larawa’y masaya
Lilipad, patalun-talon, kumakanta

At sa katanghaling tapat
Araw na matindi ang sikat
Init nito’y tumatagos sa aking silid
Liwanag abot hanggang sa gilid gilid

Kinahapuna’y meryenda na!
Si manong magtataho iyong makikita
Mga bata’y masaya ring naglalaro
Habang mga ina’y maingay na nagbi-bingo

Sa gabi’y mga liwanag sa bawat tahanan
Nakakaaliw kung sila’y pagmasdan!
Mga sasakyan na paroo’t parito
Mga busina’y nakakasakit sa ulo

Kaysarap tumambay dito sa pag-ulan
Mga tao’y hirap maghanap ng sasakyan
Hawak kong mainit na kape, amoy ay pumapailanlang
Habang pinanonood mga batang nagtatampisaw sa ulan

Masaya akong mag-isa sa aking mundo
Nakatanaw sa malaking bintana kong ito
Ngunit sa aking paglingon, ikaw sana’y makita ko
Sa aking tabi, makisali sa parisukat kong mundo

Advertisements

Ano’ng Meron Ngayon?

Standard

Ngayon ay isang ordinaryong araw. Para sa isang empleyado, gobyerno man o pribado. Gigising pa rin ng maaga. Mag-aalmusal kung mayroon. Iinom na lang ng tubig kung wala. Saka magmamadaling maligo sa takot na ma-late sa trabaho.

Ngayon ay isang ordinaryong araw. Para sa isang estudyante na naghahanda upang pumasok sa paaralan. Mayroong sabik pumasok upang ipasa ang pinagpuyatang proyekto. At siyempre mayroon din naman na tila gustong magkasakit upang huwag lamang makapasok dahil sa nagpuyat kasama ang syota o nag crossfire/facebook buong magdamag.

Ngayon ay isang ordinaryong araw. Para sa mga walang trabaho, sa naghahanap ng trabaho, o sa natanggal sa trabaho.

Dumako naman tayo sa kakaibang araw.

Ngayon ay maaaring isang kakaibang araw. Para sa isang bagong ina, na nagsilang ng kanyang panganay. Sabik at labis na kaligayahan ang mararamdaman. Pagod at hapdi ng mga tahi ay biglang nakalimutan. Maging sa isang bagong ama, na masayang inehehele ang sanggol na kaytagal niyang hinintay. Sa wakas, pamilya na sila.

Ngayon ay isang natatanging araw. Para sa mga pamilya na biktima ng karahasan na ngayong araw ay nakamit na ang tinatawag na katarungan.

Ngayon ay maaaring isang natatanging araw. Para sa isang paslit na sumali sa paligsahan, nasungkit ang pinakamataas na karangalan at nasabitan ng medalya ng kanyang proud na magulang.

Ngayon ay maaaring isang espesyal na araw. Para sa isang binata na patuloy na nanliligaw at nagsusumikap na makamit ang matamis na oo ng dalagang pinapangarap. At ngayong araw ay kanya na nga itong natanggap.

Ngayon din ay pwedeng maging masakit na sandali. Sa mga taong naiwan ng taong pumanaw. Di malilimutang araw.

Agosto 12. Ano’ng espesyal sa iyong pagdating?

Sa akin? Dati ito’y isang araw na pinakahihintay. Isang araw na pinaghahandaan ng buong pamilya. Isang araw kung saan ramdam ang ligaya. Isang araw, kung saan, ako’y tatanda na naman.

Ngayon, hindi ko mawari aking nararamdaman. Mamaya, pag natapos ang buong araw, ika’y aking babalitaan.

PANINIWALA KO PA RIN BA?

Standard

“Nagpapasalamat po kami dahil pinapasaya po nila kami kahit hindi na magtatagal ang buhay namin”.

Nakakapagod. Mga alas-siyete y medya ng gabi, matiyaga akong naghihintay ng matinong bus papuntang Letre at naghahandang makipagbalyahan sa iba pang mga sasakay upang magkapalad na makaupo…haha.

Ayos, Cher na naman!

Komportable akong sumakay sa bus na nabanggit. Bukod sa may kabaguhan ang kanilang bus, at malamig ang kanilang erkon, medyo edukado ang kanilang mga kundoktor. At hindi nila ako nabayaran para maisama sa artikulong ito :/

“Haaaay salamat! Nakaupo din!” Sabi ng kumag sa sarili niya. Sa totoo lang, madalas ko kausapin sarili ko. Mas masarap kasi kausap yung sarili mo, at least walang kokontra sayo, pwera na lang kung galit kayo (ng sarili mo). Haha.

Maganda ang puwesto ko. Nasisilip ko ang TV, at impeyrnes, hindi siya choppy. 24 Oras ng channel 7 ang palabas nun.

“Nagpapasalamat po kami dahil pinapasaya po nila kami kahit hindi na magtatagal ang buhay namin”.

Isang labingdalawang taong gulang na batang lalaki, may kanser sa buto ang nagsabi ng mga katagang ito. Binigyan kasi sila ng pagkakataon ng network na makasakay sa isang sasakyang panghimpapawid at makita ang paligid mula sa itaas. Magandang tanawin, malakas na hangin, at isang kakaibang experience para sa isang tao na may taning ang buhay.

“Nagpapasalamat po kami dahil pinapasaya po nila kami kahit hindi na magtatagal ang buhay namin”.

Paulit-ulit itong sumasagi sa isip ko. Habang nanonood ako ng TV, nakita ko naman na masaya ang bata sa kanyang experience nung araw na yun. Ngunit iyon pa rin ang kanyang nasabi.

May mga bagay na nagbibigay kasiyahan sa isang nilalang ngunit hindi naman ito ang tunay niyang kailangan. Mayron ding nagpapalimot sa isang katotohanan na wala nang pag-asa upang matakasan. Sa pagkakataong ito, napasaya nang ilang minuto (o kahit ng ilang oras) ang batang may kanser sa buto, ngunit hindi ito ang magpapalimot sa tao na hindi na siya magtatagal sa mundo.

Laging sinasabi ng kaibigan ko, “PANINIWALA MO LANG ‘YAN,”

Boss, may mga bagay na hindi kaya ng kapangyarihan ng mind over matter. Ito ang tinatawag na subject matter \m/

Matira, Matibay!

Standard

Isa akong tagapagsulong ng karapatan ng kabataan. Karahasang pisikal, emosyonal, maging berbal ay ipinagbabawal. Sa loob n gaming tahanan ay pinananatilli ang kapayapaan at pagmamahalan. Ngunit sa aking paglabas ay ang hubad na katotohanan.

Lumabas ako isang umaga. Bagong ligo, mabango, masigasig at punong-puno ng pag-asa. Sa aking paglalakad, nadaanan ko ang isang batang pinaliliguan ng kanyang ina sa labas. Malakas ang hagulhol ng bata, malayo pa lang ay dinig ko na. Akala ko’y nilalamig siya. Sabay sigaw ng kanyang ina, “Ayan, sige, putang ina ka, ang kulet mo!” ngayon alam ko na kung bakit naiyak siya, kaya pala.

Napadaan ako sa basketball court sa may amin. Kung saan isang kumpol na magkukumare ang hindi mo maistorbo sa pakikinig at pagmamarka sa mga numerong nabanggit sa pagbi-bingo. May mga batang naglalaro sa paligid nila. Mga nakahubad, at may natuyong uhog sa pisngi. Palibhasa’y mga bata, hindi maiwasang magkasakitan at may mag-iyakan. Hagulhol na sa pag-iyak ang bata habang kinakalabit ang kanyang ina na lubhang abala at walang narinig. Kawawang bata. Ayun, napagod lang siya at nanahimik na.

Naglalaro pa rin sa aking isipan ang eksenang iyon ng may nakasalubong akong dalawang batang lalaki, na marahil ay parehong nasa limang taong gulang. May bitbit silang malit na palanggana, na may lamang mais na nilaga. Hindi ko na sila natanong kung magkano, sapagkat abala sila sa pagkukuwentuhan. Wala sa loob nila ang pagtitinda ng mais. Bata pa kasi. Dapat sana’y Masaya silang naglalaro at pumapasok sa paaralan.

Hindi kami mayaman, at hindi rin naman ganun kahirap. Sabi nga nila, “sakto lang”. Ngunit hindi ko naranasang magtinda ng kung anu-ano para mabuhay. Wala rin akong matandaan na naglaro ako ng walang damit, ayaw na ayaw ko pa nga nun na naka-paa kahit na naglalaro ng tumbang preso. Hindi rin nagbi-bingo ang mga magulang ko at wala silang bisyo. Lagi nga lang silang wala sa bahay para magtrabaho. Masuwerte pa rin ako.

Mas unang natututunan ng mga bata sa amin ang magmura, kesa mga salita ng pagmamahal o paggalang. Bihira na lang ang mga bata na alam ang ‘po’ at ‘opo’ at malas na lang kapag araw-araw silang naglalaro sa labas kasama ang mga batang palamura. Pagkalao’y makakalimutan na nila ang salita ng paggalang.

Pinangarap ko ring makaalis sa lugar namin. Pero dun na yata ako mamamatay. (Wag lang sana akong patayin ng mga holdaper dun, haha.) Sa lugar naming na walang paggalang sa mga kapitbahay. Pati pintuan ng kapitbahay ay gagawing palikuran kapag nag-inuman ang mga lasenggo sa daan. Aangkinin pa ang daan para maging session ng inuman. Kapag may party, haharangan din ang buong iskinita na akala mo ay narentahan.

Kawawa ka pag napagtripan. Marami na akong kilala na nasaksak dahil napagtripan at suwerteng nabuhay. At meron ding minalas at namatay. Tsk, tsk.
Takot ang mga pulis. Sala-salabat ang iskinitang pwedeng pagtaguan ng mga kriminal. Pag nasundan mo ang mga salarin at na-trap ka sa lugar nila, malas mo lang, patay ka.

Wala na silang takot. Totoong pasama na nang pasama ang mundong ito.

Sa ilalim ng Kamuning…

Standard

Masaya kaming nagkukuwentuhan noon ng isang kaibigan lulan ng isang taxi.

Pag U-turn namin saEton Centris, napadako ang aking paningin sa kaharap naming jeep.

Isang batang lalaki, marungis at walang pang-itaas ang nakaupo sa estribo ng jeep at tila hiyang na hiyang sa pagsinghot ng RUGBY…

“Hala ka!” Napabulalas ako. “Tingnan mo yung bata!”

Halos sigawan ko na yung kaibigan ko. “Lantaran ah,” Sabi niya.

Dedma at walang pakialam. Yan ang nakita kong damdamin sa mga mukha ng mga taong lulan ng nasabing jeep.

“Tamo sila oh! wala lang…!!!” Naiirita kong sabi.

Nakiusisa na rin si manong drayber. “Hindi talaga nila pakikialaman niyan. Takot sila, baka saktan sila niyan.”

“Ganun po ba? Wala po bang pulis?”

“Madalas nga sinasadya na niyang mga batang yan na magpakita at mahuli para dalhin na sila sa DSWD. Ikaw ba naman ang magpalabuy-laboy at walang makain e mas gugustuhin mo pang umalis.”

“TAMAAAAAAAH..!” Pabiro naming sabi ng kaibigan ko.

Sa loob ko, ay kalungkutan sa mga batang walang kasalanan, biktima ng kahirapan at kakulangan sa kaalaman. Ayokong laging ituro ang lahat sa pamahalaan, ikaw, ano ang ginagawa mo sa lipunan? Sa mga taong nakasakay sa jeep nung pagkakataong iyon, mayroon bang nagmalasakit? Wala, yun ang masakit.

CNN Hero ka ba?

Standard

Minsan ko ng narinig, ang bawat isa daw ay sisingilin sa sarili nating kasalanan, at hindi sa kasalanan ng ating mga magulang o ng sino mang Poncio Pilato sa daan. Basta, yun na!

Subukan mong saluhin ang kasalanan ng iba, nakakaasar diba? Lalo na kapag alam mo naman na wala kang kasalanan. Biglang tinanong ng boss mo kung nasaan yung @#&%$* ganito ganyan, at wala kang nagawa ng walang anu-ano ay napabaling sa iyo ang tingin ng lahat ng ka-opisina mo na parang hiniling mo na lang sa kanila na “Putek turo niyo na lang kaya ako?!”

Naniniwala ako na marami sa mga nakakulong ay wala talagang kasalanan. Naranasan ko na yan eh. Teka, hindi pa ako nakulong ah? Ang sinasabi ko eh, naranasan ko ng maituro at mamura ng dahil sa kasalanan ng iba.

Ang sarap isipin na minsan, kapag ang isang taong malapit sa iyo ay naiipit sa isang sitwasyon na tipong ikakawala ng career niya, ay darating ka at tulungan siya, feeling mo bayani ka, parang si CNN Hero Sir Efren Peñaflorida. Kaso when the time comes (putek! wag ka na mag-english please?!) na ikaw naman ang naiipit, makikita mong walang tumatakbo sa likod mo para tulungan ka. Ang lahat ng mata ay nakatitig lang sa iyo na parang lalo ka pang idinidiin. Kawawang bata. Tsk, tsk.

Kaya ang advice ko sa inyo, wag kasi kayong masyadong mabait. Wag kayong receive ng receive, este, wag kayong masyadong tiwala. Yun na.

Namimiss ko na si Papa Jack. Ang totoo, masama ang loob ko ngayon. Gusto ko sanang makausap si Papa Jack at mag confess sa kanya. Hindi ito wild or true love, teka, tumatanggap po ba siya ng true life confession ate Janice? Hehe. Kasi pag kay Papa Jack ako nag-confess, matatawa na ako, matututo pa ako. O di ba? Bongga?!!

Pacman sa Mall of Asia

Standard

Napalaban si Pacman. Pero this time, ndi sa sapakan, kundi sa kantahan.

Nakapuwesto na ang kumag, dala ang videocam ng boss niya, dahil nautusan siyang i-dokumento ang buong moment na iyon.

“Ganda ng puwesto ko, ayos na toh, siguradong magandang anggulo ang makukuha ko.” Wika ni adik sa sarili.

Dumating na ang oras, nasa mga pintuan na ang pambansang kamao. Nagkagulo na ang mga tao, (malamang) at si kumag? Ayon, nasagasaan ng mga fans. Sukat ba namang humarang sa red carpet? Haizt.

Pero in fairness naman sa kanya, nakuhaan niya ng maayos ang bigote ni Pacman. 😀

Yun na nga. Nung medyo naka-recover na siya at naalala na niya kung sino at nasaan siya, dali-daling tumakbo ang gaga sa lugar kung saan nagpunta ang lahat.

Here comes the new challenger.

“Putek!” ang sabi niya sa sarili. Nakita niya kasi na nakaharang na ang mga tao sa entrance at maraming guwardiya at bouncing bouncers ang nakaharang.

“Go sa-go!”

Hala, tuloy pa rin ang kumag. Sumingit siya sa mga singit (anu daw?) basta, wag kang magulo, ayun, hanggang sa makarating siya sa mga guwardiyang magkakahawak kamay. May relasyon kaya sila? Hmmm.

Lumusot siya sa ilalim ng mga kamay ng mga bading na guwardiya. Buti na lang at hindi siya nasapak ng mga baktol nila. Kaboom! Sinita siya nung isa, “miss, bawal jan,” buti na lang at nakilala siya nung isa, “ay, si ma’am yan!” azteeg, pinapasok na ang gaga.

Malaya na siyang nakapag-video sa loob. Naging pambansang singer si pambansang kamao. Hekhek.

Sumigaw ang Pinoy, [hoy!] ang lahat ng Pinoy, [hoy!] uto-utong sigaw ng mga tao. Ang totoo, pati si kumag ay makikitang nakikisigaw sa madla.

Mainit ang intriga sa pambansang kamao dahil sa isang Krista Ranillo. Kaya naman sa gitna ng palabas ay mapapansin na pinaakyat si Jinkee sa entablado upang maki-sing along sa kanyang kabiyak. With matching lips to lips (tinakpan ni adik ang mata niya dahil censored daw ito)